I. Marawi, 2017

I. Marawi, 2017
by Joaquin Alonso

Sa malayong panig ng lupang pinangako
Mayroong bayang naghihingalo

Sa tabi ng lawa, itong bayang sabik
Sa kapayapaan at gabing tahimik

Sa malamlam na liwanag ng hatinggabi
Ang apoy ng digmaa’y nasisindi.

Araw ng Lunes, ako’y nagising
Sa balitang paglusob ng mga salarin

At doon sa bayan, bumitiw ng poot
Mga baril nila’y pumuputok-putok

Parang boteng umaapaw, pilit isara
Nang binuksa’y bubuga-buga

Ganoon ang poot nitong mga salarin
Matagal nang pinigil mula nang hinasik

Limang dekada, o limandaang taon
Paano man bilangin ang madugong panahon

Ng sambayanang inusig, umaklas,
Dinahas, at muling umaklas, at muli, dinahas

Salat na bayan, sa kapayapaan sabik,
Sa huling hininga sa kampilan humalik.

Ngunit paano lalaban ang isang kampilan
Kung ang bayan na nga’y binobombahan?

Sa malayong panig ng lupang pinangako
Mayroong bayang naghihingalo

Sa tabi ng lawa itong bayang sabik
Sa kapayapaan at gabing tahimik

Sa puso nila, nais na’y higanti
Ang apoy ng poot ay nasisindi

 

Joaquin Alonso is a Grade 12 student from De La Salle Zobel Vermosa, he writes an awful lot of poetry and sappy fiction about love, sentiment, and the human condition. You can find more of his published works on Siklab Poetry.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *